Masthead
Place your ad here
 
Wealth of Advice
 
Francisco Colayco

Pagpapalawak ng karanasan sa pagnenegosyo

By Francisco J. Colayco, Ph.D

Sumulat sa akin si Miguel, isang dating OFW. Nabasa raw nila ng asawa niya ang mga libro ko kaya namuhunan sila sa mutual fund, pero ngayon ay humihingi sila ng payo kung anong negosyo ang magandang pasukin. Bumibili raw sana sila ng prankisa pero tinanggihan sila ng mga nilapitan nila dahil kailangan daw ay may kahit kaunting karanasan sila sa pagnenegosyo, at wala sila nito, kahit na nakapagtapos ng Commerce ang asawa niya. Kaya napagpasiyahan nilang magtatayo na lang muna ng sarili nilang maliit na negosyo, pero hindi nila alam kung ano o paano sisimulan. Sa kasalukuyan ay balak rin nilang magpatayo ng bahay gamit ang perang inutang nila sa bangko.

Halata naman sa kuwento ni Miguel na ginagawa niya lahat ng makakaya niya para palaguin ang pera niya. Sinusunod niya ang mga payo ko pero may mga sarili din siyang ideya na desidido siyang gawin. Pinaalala ko lang sa kaniya na napakataas ng panganib ng pagkalugi sa isang negosyo. Hindi naman sa pinahihina ko ang loob niya kundi gusto ko lang maintindihan niya na dapat siyang mag-ingat. Hindi basta-basta pumapasok sa isang negosyo—kailanga'y siguruhin mo munang kumpleto ka sa kinakailangang mga sangkap.

Ang sabi ko, ang unang-unang kailangan niyang gawin ay humanap ng negosyong talagang gusto niya at kung saan may sapat siyang kaalaman at kakayahan. Hindi siya dapat pumasok basta-basta sa kahit anong negosyo para lang magkanegosyo. Suwerte pa nga siya at tinanggihan siya ng mga nilapitan niyang nagbebenta ng prankisa. Ang ibig sabihin lang ay matitino ang mga yon at ayaw nilang malugi ang bebentahan nila ng prankisa kaya sinisiguro nilang kakayanin niya talagang patakbuhin ang negosyo. Ang iba kasi'y nagsisinungaling pa para lang makapagbenta. Hindi naman nagtatagal ang mga ganoon.

Samantala, dapat siguro'y pumasok muna bilang empleyado ang asawa ni Miguel sa isang negosyong gusto nila para maintindihan niyang maigi kung paano ito pinatatakbo. Habang wala pa silang sapat na kaalaman o kakayahan, mas maiging maging passive entrepreneur na lang muna sila. Magandang simula ang pamumuhunan sa mutual fund. Maliit lang kasi talaga ang panganib ng pagkalugi sa isang mahusay na mutual fund, basta't regular ang iyong pamumuhunan sa mahaba-habang panahon, halimbawa, mga limang taon.

Tungkol naman sa plano nilang magpatayo ng bahay, ang payo ko lang ay kwentahin nilang maigi lahat ng kakailanganin at siguraduhing kaya nilang gastusan ang pagmentena ng bahay at bayaran ang buwanang hulog at lahat ng ibang gastusin. At kung may sapat din lang silang pera, mas maigi kung duplex na lang ang ipatayo nila para pwede nilang paupahan at pagkakitaan ang kalahati.